*Cauayan City, Isabela*- Pinaigting ngayon ng Probinsya ng Cagayan ang pagbabantay sa lahat ng boundary checkpoints upang matiyak na tuloy-tuloy na ang pagiging covid-19 free nito.
Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, tinitiyak nito na ididiretso ang lahat ng mga uuwing Overseas Filipino Worker maging ang may mga travel history sa kalakhang maynila sa mga quarantine area ng bawat munisipalidad upang masigurong ligtas ang lahat ng tao sa nakamamatay na sakit.
Dagdag pa ng Gobernador, patuloy ang kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan sa OWWA para sa pagkuha ng kani-kanilang pangalan at kung saan sila kabilang na bayan upang paghandaan ang kanilang pagdating sa probinsya.
Sinabi pa ng opisyal na sakaling tanggalin ang umiiral na Enhanced Community Quarantine at mapabilang ang probinsya sa ‘selective lifting quarantine’ ay kinakailangan pa rin aniya na magdoble ingat ang publiko para tuluyan ng makawala sa nakamamatay na sakit.
Giit pa ng gobernador na mahigpit pa rin nilang babantayan ang publiko sa pagpapatupad ng social distancing, pagsusot ng facemask at pagbabawal sa mass gatherings.
Ipag-uutos din ni Mamba ang pagbabantay sa mga senior citizen at may mga malulubhang karamdaman kahit matapos ang Enhanced Community Quarantine upang matiyak ang kanilang seguridad laban sa banta ng nakamamatay na sakit.