Binigyang diin ng Liderato ng Kamara ang kahalagahan para sa Pilipinas at sa mga Pilipino ng pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa ASEAN Summit sa Lao People’s Democratic Republic.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pagkakataon ang ASEAN Summit para maisulong ni Pangulong Marcos na magkaroon ng mapayapang resolusyon na umaayon sa international law ang patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Nakakatiyak si Speaker Romualdez na maisusulong ni Pangulong Marcos sa Summit ang pagpapalalim ng ugnayan nito sa isang bansa na makatutulong sa ating pag-unlad at seguridad.
Binanggit pa ni Romualdez na ang tema ng ASEAN ngayong taon na “Enhancing Connectivity and Resilience” ay akma sa Agenda for Prosperity ng administrasyon na nakatuon sa pagpapalakas ng ekonomiya at pagpapaganda sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Dagdag pa ni Romualdez, magbibigay din ng tsansa ang ASEAN para mapalakas ang kooperasyon natin sa mga ibang mga bansa para sa hangad nating food and energy security, trade, investment, and supply chain resilience.