Pagdalo sa Senate hearing ng mga personalidad na sangkot sa pagbili ng umano’y overpriced na medical supplies, suportado ni Sen. Go

Sang-ayon si Senator Christopher “Bong” Go na dumalo sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga personalidad na isinasangkot sa kontrobersiya sa pagbili ng Procurement Service – Department of Budget and Management (DBM) ng umano’y overpriced na Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies noong nakaraang taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa tinutukoy ni Go na pinadalhan ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee ay sina dating budget undersecretary Lloyd Christipher Lao, si Presidential Management Staff Anderson Lo at Overall Deputy Ombudsman Warren Liong, gayundin ang Chinese businessman at dating presidential adviser na si Michael Yang.

Ikinatwiran ni Go na kung walang kinatatakutan ay dapat dumalo ang mga isinasangkot na personalidad para malinawan ang mga isyu at pagkakataon din ito para maiparating ang kanilang panig sa publiko.


Hiling lang ni Go na sana ay mabigyan ng patas na pagkakataon ang mga personalidad na ipaliwanag ang kanilang panig lalo na at iniuugnay ang ilan sa mga ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin ni Go na totoong 1999 pa ay kilala na ni Pangulong Duterte si Michael Yang pero hindi ito rason para payagan na ng pangulo kung may kalokohan man itong ginagawa.

Nilinaw naman ni Go na hindi niya masasabihan ang Pharmally Pharmaceutical Inc. na sangkot sa isyu dahil hindi niya kilala ang mga ito at lalong wala siyang kaugnayan dito.

Facebook Comments