Ipinahayag ng ilang rehistradong vendor sa Mangaldan Public Market na bumabagsak umano ang kanilang bentahan dahil sa patuloy na pagdami ng mga ambulant o ilegal na nagtitinda sa loob at paligid ng pamilihan.
Ito ay lumitaw sa isinagawang pagpupulong ng mga market vendor noong Lunes, Enero 19, kung saan tinalakay ang iba’t ibang hinaing kaugnay ng kaayusan sa palengke.
Ayon sa mga nagbabayad ng permit, ang presensya ng mga ilegal na vendor ay direktang nakakaapekto sa kanilang kabuhayan at nagdudulot ng hindi patas na kompetisyon.
Bukod sa epekto sa bentahan, iniulat din ng mga vendor na nagiging sanhi ng abala sa mga mamimili ang mga ambulant vendors dahil sa pagsisikip ng mga daanan at kawalan ng maayos na pwesto ng pagbebentahan.
Dahil dito, inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan na paiigtingin ang operasyon ng Anti-Hawking Task Force at hihigpitan ang pagpapatupad ng mga panuntunan laban sa pamimili at pagbebenta sa mga hindi awtorisadong lugar.
Kasabay nito, hinikayat ang mga rehistradong market vendor na maglaan ng sariling basurahan o plastic bag at panatilihin ang kalinisan at kaayusan sa loob ng pamilihan.







