Pagdami ng Chinese nationals malapit sa mga EDCA sites, at sa mga seaports at airports, pinapa-imbestigahan ng isang kongresista

Kinalampag ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA), pati ang military and police intelligence.

Ito ay para imbestigahan ang kahina-hinalang pagdami ng mga Chinese nationals malapit sa mga RP-US Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites pati sa mga major seaports at airports sa bansa.

Binanggit ni Barbers na ang deployment, pagbili ng lupa, at pagtatayo ng negosyo ng mga Chinese nationals na malapit sa EDCA sites ay dapat bigyan tuon ng mga concerned agencies.


Bunsod nito ay pangunahing tanong ni Barbers sa BI, kung ilang Chinese nationals na ba talaga ang nasa loob ng ating bansa, at ano ang nature ng hawak nilang mga travel documents.

Nais ding mabatid ni Barbers kung nagsasagawa ba ng due diligence ang mga opisyal ng DFA sa pag-apruba ng visa ng mga Chinese nationals na pumupunta sa ating bansa at ano na ang kanilang estado.

Ayon kay Barbers, kailangan ding malantad kung ano ang ginagawa ng gobyerno para malansag ang “Chinese mafia” na syang gumagawa mga palsipikadong dokumento na ginagamit ng mga chinese nationals sa ilegal nilang paglalabas pasok o pamamalagi sa Pilipinas.

Facebook Comments