Hindi bumilib si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mula sa 2.68 million ay bumaba sa 2.5 million ang mga Pilipinong walang trabaho nitong Setyembre.
Giit ni Castro, ang nasabing bilang ay mapanlinlang dahil maaring resulta lang ito ng pagdami ng mga mangagawang “contractual” dulot ng papalapit na holiday season.
Ayon kay Castro, ang contractual work ay hindi maasahan dahil panandalian lamang at hindi makapagbibigay ng sapat at pangmatagalang sweldo.
Bukod dito ay binigyang diin ni Castro na nasa 15.4% pa ang underemployment rate nitong September na nangangahulugang 7.3 million mga Pilipino ang naghahanap pa rin ng trabaho dahil napakababa ng kanilang sahod.
Bunsod nito ay iminungkahi ni Castro sa Marcos administration na isulong ang panukalang magbibigay ng totoong kasiguraduhan sa trabaho tulad ng House Bill 2173 o panukalang Security of Tenure Law.
Sabi ni Castro, ito ang daan para maprotektahan ang ating mga manggagawa at maiangat ang ekonomiya habang nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.