Pagdami ng Kawatan ngayong Papalapit na Christmas Season, Binabantayan ng PNP Cauayan

Mahigpit ang ginagawang pagpapatrolya ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station katuwang ang Public Order and Safety Division sa buong lungsod ng Cauayan partikular na sa mga lugar na kung saan mainit sa mata ng mga kawatan.

Kaugnay nito, pinapayuhan ng mga otoridad ang lahat ng mga mamimili, maging ang mga may-ari ng establisyimento na maging alerto upang hindi mabiktima ng mga masasamang loob ngayong panahon ng kapaskuhan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Deputy Chief of Police, inaasahang dadagsa pa sa susunod pang mga araw ang magsisipagtungo sa mga pamilihan lalo na sa mga palengke na kung saan may mga ilang naitalang insidente ng pagnanakaw.

Mas mainam aniya na kapag pupunta ng syudad upang mamili ay huwag na lamang magdala ng malaking halaga ng pera at iwasang magsuot ng mga alahas o anumang nakakaagaw pansin.

Maliban dito, pinaalalahanan rin ang publiko na kung lalabas ng tahanan, ay siguraduhing nakakandado ang mga pintuan upang hindi mapasok ng mga masasamang loob at tiyaking walang naiwang nakasaksak na electric appliances at makaiwas din sa sunog.

Payo rin niya sa mga business owners, na siyasating mabuti ang kani-kanilang mga tindahan at siguraduhing walang maiiwan na pera sa kani-kanilang mga kaha, lalo at tuwing panahon na aniya ng pagsapit ng pasko ay dumarami rin ang kaso ng mga pambubudol.

Sa ngayon ay nakaantabay at nakaalerto na ang PNP Cauayan upang magkaroon ng payapa at matiwasay na pagdiriwang ngayong darating na pasko.

Facebook Comments