Inirereklamo na ng mga residente sa Sitio Darlong, Brgy. Gueteb, Urbiztondo ang pagdami ng langaw sa kanilang lugar dahil umano sa pagdaan ng mga trak ng isang poultry farm.
Ayon sa isang residente na tawagin na lamang natin sa pangalang “Ana”, matagal na umano nilang dinadaing ang perwisyong dulot ng mga langaw hindi lamang sa kanilang pang araw-araw kung hindi pati na rin sa kanilang kalusugan.
Ang ilan sa residente, bumibili na lamang umano ng pamatay sa pesteng langaw ngunit wala pa rin epekto dahil sa dami nito.
Ayon naman sa opisyal ng nasabing barangay, hindi na nila sakop ang bahagi ng inirereklamong poultry farm ngunit ilang ulit na rin umano silang nakipag-usap sa barangay na may sakop nito na matatagpuan sa lungsod ng San Carlos.
Isa umano sa idinahilan kung bakit sa Sitio Darlong dumadaan ang mga trak tuwing panahon ng harvesting ng poultry farm ay dahil iniiwasan nila ang mga nakalaylay na kable ng kuryente sa dapat sana’y kanilang dadaanan.
Umaasa naman ang mga residente at opisyal ng barangay na maaksyunan na ito sa lalong madaling panahon upang hindi na makaapekto sa mga residente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









