
Nakapagtala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng pagdami ng presensya ng mga barko ng China sa paligid ng Ayungin Shoal nitong Aug. 20, batay sa kanilang Maritime Domain Awareness monitoring.
Ayon sa AFP, namataan ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) na nagsasagawa ng maniobra at drills gamit ang water cannon.
Kasama rin sa mga namataan ay ang ilang maliliit na sasakyang pandagat gaya ng rigid-hulled inflatable boats at fast boats.
Ilan sa mga fast boat ng CCG ay nakitang may nakakabit na mabibigat na armas. Sa kabuuan, limang barko ng China Coast Guard ang namataan, kasama ng labing-isang RHIBs/fast boats at siyam na Chinese maritime militia vessels.
Na-monitor din ang paggamit ng isang rotary aircraft at isang unmanned aerial vehicle.
Samantala, magtutuloy-tuloy sa pagbabantay ang AFP sa West Philippine Sea upang masiguro ang proteksyon ng ating soberanya at kaligtasan ng mga sundalong Pilipino na nakatalaga sa lugar.









