Kasabay ng pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan ay nagpahayag ng pagkabahala si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas sa patuloy na dumadaming mga kababaihan sa bansa na pumapasok sa tinatawag na “sugar dating.”
Dito ay nakikipag-relasyon ang mga babae sa mas matatanda sa kanila para magkaroon ng sustento o regular na makatanggap ng pera dahil sa sobrang hirap ng buhay at kawalan ng oportunidad.
Sa kanyang privilege speech ay binanggit ni Brosas na tinatayang nasa 250,000 ang tinatawag na ‘sugar babies’ noong nakaraang taon, kung saan 1/3 sa mga ito o humigit kumulang 83,000 ay mga estudyante, habang 44% o humigit-kumulang 110,000 ay mga babaeng walang trabaho.
Tinukoy rin ni Brosas ang report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mahigit 20 milyong kababaihan ang masasabing “economically insecure” o unemployed, underemployed, unpaid, o kaya’y hindi nabibilang sa pwersa sa paggawa.
Ipinunto ni Brosas, napakalaki sana ng ambag ng kababaihan sa lipunan pero dahil sa hirap ng buhay ay napipilitan silang pumasok sa ganitong klaseng sitwasyon kung saan tila kinukulong sila sa apat na sulok ng kwarto, para lang mabuhay sa gitna ng krisis na kanilang pasan-pasan.