
Isinisi ng Malacañang sa serye ng mga kalamidad ang pagtaas ng bilang ng mga pamilyang Pilipinong nakaranas ng gutom sa ikatlong quarter ng 2025.
Batay kasi sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey, umakyat sa 22% ang mga pamilyang nakaranas ng involuntary hunger o kakulangan ng pagkain sa loob ng tatlong buwan na mas mataas ng 5.9% mula sa 16.1% na naitala noong Hunyo 2025.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakikita ng administrasyon na dulot ng sunud-sunod na bagyo, pagbaha, at lindol ang pagtaas ng antas ng gutom, lalo na sa mga rehiyong matinding tinamaan ng kalamidad.
Sa kabila nito, siniguro naman ng Palasyo na patuloy ang pagtatrabaho ng pamahalaan upang maibsan ang gutom at kahirapan, at ginagamit ang resulta ng survey bilang batayan sa pagpapalakas ng mga programang pangkabuhayan at pangkaligtasan sa pagkain.
Nananatili aniyang prayoridad ng administrasyon ang mabilis na rehabilitasyon at tulong sa mga pamilyang apektado ng mga kalamidad upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng insidente ng gutom sa bansa.









