Hiniling ni Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar sa Mababang Kapulungan na magsagawa ng pagdinig ukol sa pagdami ng mga nasasawi sa Pilipinas dahil sa pagbubuntis at panganganak.
Sa inihaing House Resolution 1025 ay pinakikilos ni Villar ang Committee on Health, Committee on Women and Gender Equality, at Committee on Sustainable Development Goals.
Tinukoy ni Villar na base sa mga reports, noong 2021 ay umabot sa 2,478 ang mga kababaihang nasawi dahil sa komplikasyon sa pagbubuntis o panganganak mula sa 1,975 noong 2020.
Bunsod nito ay iginiit ni congresswoman Villar ang pangangailangan na pag-ibayuhin ng gobyerno ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga buntis.
Tinukoy ni Villar na base sa datus, 14 percent ng mga buntis ang hindi nakakatanggap ng kailangang medical care tulad ng regular checkups habang 1 sa kada 10 babaeng nanganganak ang walang access sa mga health facilities o sa mga skilled healthcare personnel.