Pagdami ng teenage pregnancy, dapat tapatan ng mas agresibong pagresponde

Iginiit ni Senator Win Gatchalian sa pamahalaan na maging mas agresibo sa pagtugon sa pagdami ng mga batang ina at ang kanilang pagkakaipit sa tinatawag na “intergenerational poverty” o namanang kahirapan.

Kasunod ito ng ulat ng Commission on Population and Development na ang pagbubuntis ng mga menor de edad, lalo na ang may edad 10 hanggang 14 ay umakyat ng 7% at posibleng tumaas pa dahil sa COVID-19 pandemic.

Diin ni Gatchalian, ang pananatili ng mga kabataang babae sa mga paaralan ang isa sa mga pinakamabisang hakbang laban sa teenage pregnancy, lalo na’t dito sila nakakakuha ng impormasyon at angkop na sexuality education.


Paliwanag ni Gatchalian, kinakailangan ang edukasyon sa reproductive health kung saan ang mga paaralan at mga barangay ay may mahahalagang papel para maabot ang mga kabataan at kanilang mga magulang.

Tinukoy ni Gatchalian na mandato ng Republic Act 10354 ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education na kinapalooban ng mga usaping tulad ng proteksyon sa sarili mula sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong sekswal, gender-based violence at responsableng asal.

Kamakailan ay inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1985 na nagtatakda ng Parent Effectiveness Service o PES Program sa bawat lungsod at munisipalidad na magpapaigting sa kaalaman at kakayahan ng mga magulang at mga parent substitutes sa pagbibigay ng kalinga sa kanilang mga anak.

Facebook Comments