Pagdaragdag ng bed capacity para sa COVID-19 patients, tina-trabaho na ngayon ng pamahalaan

Nakikitang solusyon ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang pagdaragdag ng bed capacity para sa COVID-19 cases sa napipintong pagkaubos ng isolation at ICU beds na occupied na ng mga pasyenteng tinamaan ng virus.

Ito ay kasunod na rin ng report ng Department of Health na nasa ‘danger zone’ na ang isolation beds na naitala sa 82% ward beds sa 89% habang nasa ‘warning zone’ naman ang ICU beds na naitala sa 69%.

Ayon kay Roque, ang ganitong mga numero ay bunsod ng 30% lamang na bed capacity ang inilalaan ng mga pampublikong ospital para sa mga kaso ng COVID-19, habang sa mga pribadong ospital ay 20% lamang.


Dahil dito, sinabi ng kalihim na ang isang posibleng solusyon ay itaas ang bed capacity para sa COVID-19 cases sa government hospitals sa 50% habang sa mga pribadong ospital ay itaas sa 30%.

Kasunod nito, masusi aniyang tina-trabaho ngayon ni Treatment Czar Health Usec. Leopoldo Vega ang pangangasiwa sa mga ospital sa bansa sa pamamagitan ng one hospital command center strategy.

Nakikita nilang epektibo ang tinatawag na referral system para kapag ang isang ospital ay puno na, ay pupwedeng i-refer ang pasyente sa iba pang ospital na pwede pang makapag-accommodate ng COVID-19 case.

Facebook Comments