Tiniyak ni Anakalusugan Partylist Representative Ray Reyes ang buong suporta sa isinusulong ng Department of Finance na taasan ang buwis na ipinapataw sa maalat na junk food at matatamis na inumin.
Sa katunayan ayon kay Reyes, noong March 7 ngayong taon ay inihain niya ang House Bill No. 7485 na nagtataas sa excise tax sa sugar-sweetened beverages.
Layunin ng panukala ni Reyes na mabawasan ang pag-inom ng mamamayan ng matatamis na inumin na masama sa kalusugan.
Tinukoy ni Reyes ang data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na mula January hanggang December 2020, ay pumang-apat ang diabetes sa mga pangunahing sakit na sanhi ng kamatayan sa Pilipinas.
Ito ay dahil sa malakas na pagtangkilik ng mga Pilipino sa processed foods and sugary beverages.
Target din ng panukala na mapalaki ang pondong nakalaan sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act.
Tiwala si Reyes na ang pagkakaroon ng sapat na pondo ay daan para matupad ang layunin ng Universal Health Care Act na maproteksyunan ang karapatan ng mga Pilipino para sa maayos na kalusugan at mahusay na serbisyong pangkalusugan.