Tiniyak ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre na hindi maaapektuhan ng pagdaraos ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair o BPSF ang deliberasyon ng House of Representatives sa panukalang ₱6.352 trilyong badyet para sa susunod na taon.
Ayon kay Acidre, ang BPSF ay kadalasang isinasagawa sa huling bahagi ng linggo kung kailan walang sesyon o mga pagdinig.
Ipinaliwanag naman ni Acidre na ang pagdalo sa BPSF ng mga kongresista ay makapagbibigay ng makabuluhang pananaw sa kanila sa kahalagahan ng programa at ang pagpapatuloy nito para mas maraming matulungan.
Si Acidre ay isa sa 242 mga kongresista na dumadalo ngaun sa BPSF na ginaganap sa Leyte Sports Development Center Grandstand dito sa Tacloban sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Binanggit naman ni Romualdez na sa ika-isang taong anibersaryo ngayong Agosto ng BPSF ay napakaraming Pilipino ang natulungan nito.
Kaugnay nito ay inihayag ni Romualdez na patuloy na popondohan ang BPSF sa ilalim ng 2025 national budget.