Binigyan diin ngayon ni dating National Task Force on COVID-19 Adviser Dr. Anthony Leachon na maling desisyon o “wrong move” ang pagpayag ng Local Government, Department of Health at Inter-Agency Task Force sa pagdaraos ng pista ng Itim na Nazareno.
Ito ang naging reaksyon ng health expert kasunod na rin ng inilabas na advisory ng DOH dahil sa posibilidad na magkaroon ng “super-spreader event” matapos ang pagdiriwang ng pista ng Black Nazarene noong Sabado kung saan halos kalahating milyong deboto ang nakilahok.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Leachon na naganap na religious event ay isang malinaw na paglabag sa social distancing at posibleng magdulot ng “super-spreader”, gaya ng nangyari sa isang religious gathering sa South Korea.
Giit ni Leachon, bagamat nasa kultura na natin ang pagraos ng mga ganito selebrasyon, dapat ay ipinagpaliban na lang ito lalo na’t wala pang bakuna sa bansa, mayroon holiday surge at banta ng bagong variant ng COVID-19.
Sakaling magkaroon ng super-spreader, dalawang linggo simula ngayon, naniniwala si Leachon na dapat may mapanagot dito.