Nakiusap ng dasal ang kinatawan ng Vatican sa mga Filipino para sa agarang paggaling ng Santo Papa Francisco.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown , nananatili ang Santo Papa sa Gemelli Hospital upang matiyak na walang kumplikasyon matapos itong operahan noong Linggo dahil sa kaniyang colon diverticulitis.
Bagama’t naging maganda naman ang kalagayan ng Papa ay humihiling pa rin ng dasal ang Papal Nuncio para sa agaran nitong paggaling.
Sa pinakahuling ulat ng Holy See Press Office, patuloy ang pagbuti ng kalagayan ng Santo Papa kung saan pinangunahan din ang pag-dasal ng Angelus sa balkonahe ng kaniyang silid sa Gemelli Hospital.
Taong 2019 nang unang maoperahan ang Santo Papa dahil sa kaniyang katarata, at ilang ulit na ring hindi nakadalo sa mga gawain sa Vatican dahil naman sa pananakit ng likod at binti dahil sa iniindang sciatica.
Patuloy na nakatatanggap ang Santo Papa ng mensahe at panalangin mula sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa at mga religious community para sa kaniyang kagalingan at kalakasan.