Pagdating ng trial batch ng Sputnik V, hindi muna sasalubungin ng Pangulo – Malacañang

Hindi sasalubungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdating ngayong araw ng unang batch ng Sputnik V COVID-19 vaccines mula Russia.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, trial order pa lang naman ang darating na 15,000 doses na Sputnik V vaccine.

Aniya, titingnan pa ng vaccine cluster ng pamahalaan ang magiging sistema para sa pagdating ng Sputnik V dahil sa special logistic concern nito.


Maliban dito, may inaasahan pa rin aniyang 485,000 doses ng Sputnik V vaccine na darating sa bansa.

“Wala po sa schedule niya ano, pero ang darating po bukas ay kakaunti pa lang 15,000 pa lang. Kasi ito iyong kumbaga trial order, kasi negative 20 ang kinakailangan na storage facility ng Sputnik V. So titingnan po natin kung magkakaroon ng schedule ang Pangulo na sumalubong kapag dumating na iyong bulto ng Sputnik V. Inaasahan pa po natin ang mga 485,000 Sputnik V nitong buwan na ito,” ani Roque.

Sabi pa ni Roque, mapupunta ang 15,000 doses ng Sputnik V vaccine sa limang lungsod ng Metro Manila na nakasunod sa cold storage requirement na negative 20 degrees.

Facebook Comments