Manila, Philippines – Sasalubungin ng kilos protesta ang pagdating ni US President Donald Trump sa bansa sa November 11 para sa ASEAN summit and Related Meetings.
Ayon kina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ACT Teachers Reps. France Castro at Antonio Tinio at Anakpawis Rep. Ariel Casilao, tuluy-tuloy nilang isasagawa ang mga kilos protesta mula November 11 hanggang 14.
Anila, lalapit sila sa mga venue kung nasaan ang US President at sa mga dadaanan nito.
Ipapakita ng Makabayan ang pagtutol nila kay Trump dahil ginagamit lamang umano ng US ang mga bansa sa ASEAN para sa kanilang pansariling interes.
Naniniwala ang mga ito na may agenda si Trump tulad ng posibilidad na gamitin si Pangulong Duterte para mapasunod ang gobyerno sa Amerika, ang himukin ang mga ASEAN countries laban sa North Korea at iba pa.
Pagtitiyak ng mga kongresista, may permit man o wala ay tuloy ang protesta para maiparating sa buong bansa at sa ibang panig ng mundo ang pagtutol nila sa pangiimpluwensya ni Trump at ng Estados Unidos.