Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang pagde-deploy ng mga bus marshalls para pangalagaan ang seguridad ng mga biyahero.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo kasunod ng insidente ng pamamaril sa loob ng Victory Liner bus habang bumibiyahe sa Carranglan, Nueva Ecija kahapon.
Ang insidente ay nakuhanan sa dash cam, kung saan nakitang binaril ng ilang beses nang malapitan ng dalawang suspek ang dalawang biktima bago pinahinto ang sasakyan at bumaba.
Ayon kay Fajardo, hindi ito ang unang pagkakataon na magdedeploy ng bus marshalls ang PNP dahil ginawa na ito noon sa Mindanao.
Kasabay nito, sinabi ni Fajardo na nakikipag ugnayan na ang Pambansang Pulisya sa iba’t-ibang kumpanya ng bus para mas mapalakas ang seguridad sa mga terminal.