Pagde-deploy ng higit 20,000 pulis sa SONA ni PBBM, ‘overkill,’ pag-aaksaya ng pondo – BAYAN

Tuloy ang kilos-protesta ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa araw ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes, July 25.

Ito ang tiniyak ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr., kasunod ng pakiusap ng Philippine National Police sa mga militanteng grupo na makinig na lamang ng SONA imbes na magkilos-protesta.

Ayon kay Reyes, noon pang Biyernes nang magsumite sila ng request for permit at naghihintay na lamang ng tugon ng Quezon City Hall.


Tiniyak din niya na magiging mapayapa ang pagdaraos ng protesta basta’t hindi sila gigipitin ng mga pulis.

“So ngayon, inaayos pa natin kung saan yung final location dahil nag-file na po tayo ng permit. Basta ang malinaw, we will assert our constitutional rights, pero ito naman po ay mapayapang paghahayag ng damdamin kung ano ang tunay na State of the Nation,” ani reyes sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.

“I think for the last six years, naging maayos po ang pagdaraos ng mga rally, there were no untoward incidents. Siguro ganon din naman ho ang inaasahan natin. Ang magiging problema lang d’yan kapag sinusupil ng kapulisan yung karapatang magprotesta, syempre hindi ho papayag yung mga tao. So, yun ang dapat na i-consider nila d’yan,” giit niya.

Samantala, tinawag ni Reyes na “overkill” ang pagpapakalat ng 21,000 mga pulis para sa unang SONA ni Pangulong Marcos na aniya’y pag-aaksaya rin sa pondo ng bayan.

“Yan po ay overkill na, tsaka ano e, parang nagsasayang po ng pondo. Sa panahong kapos na kapos na nga ang pondo ng gobyerno nagsasayang pa ho. It’s an unnecessary deployment of personnel para sa security, ano pa ho bang kinakatakot nila? Sila na ang nagsasabi na very popular daw ang presidente nila, pero bakit kailangang palibutan ng 21,000 security personnel? It doesn’t make sense, it is a big waste of public funds.”

Dismayado rin si Reyes dahil mag-iisang buwan na ay wala pa ring maayos na programa ang administrasyong Marcos.

“Mag-iisang buwan na sa puwesto ang pangulo, wala pa ring malinaw na programa paano kokontrolin ang inflation, paano ang sahod ng mga manggagawa, ng mga kawani, paano aayusin talaga ang agrikultura, paano ibabangon ang ban sa mula sa pagkakalugmok at napakalaking utang na iniwan ni Duterte? So, all of this, ito talaga yung top of mind issues kung tawagin e,” dagdag pa ni Reyes.

Facebook Comments