Pagdedeklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang 5% franchise tax sa POGO sa ilalim ng Bayanihan 2, walang saysay ayon sa ilang senador

Naniniwala si Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na wala ng saysay ang ibinabang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang ‘unconstitutional’ ang probisyon ng Bayanihan 2 Law na nagpapataw ng 5% franchise tax sa gross bets ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Angara, ang tax provision sa POGO sa ilalim ng Bayanihan 2 ay naamyendahan na sa sinundang POGO Tax Law o ang Republic Act 11590.

Dahil dito, ang pagdedeklara ng Supreme Court na labag sa batas ang probisyon ng Bayanihan 2 para sa buwis sa POGO ay maituturing na ‘moot and academic’ na.


Samantala, sinabi naman ni Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva na kahit may desisyon ang Korte Suprema ay mayroon pa rin namang ipinapataw na buwis sa mga POGOs kasama ang mga gaming at non-gaming revenues sa ilalim ng POGO Tax Law.

Hiniling ni Villanueva na suriin pa rin ang polisiya sa online gambling at maiging timbangin ng gobyerno ang epekto ng POGO sa lipunan at mga ulat ng kriminalidad dito.

Tutol naman ang senador sa lahat ng uri ng online gambling at mas pinahahalagahan ang proteksyon ng moralidad at values ng mga Pilipino.

Sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na dahil sa desisyon ng Korte Suprema ay wala siyang nakikitang dahilan para hindi tuluyang ipagbawal ang POGO sa ating bansa.

Facebook Comments