Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magdeklara ng national emergency sa gitna ng panganib ng Coronavirus disease sa bansa. Sa sulat na ipinadala kay Senate President Vicento Sotto III, sinabi ng Pangulo na sinertipikahan niyang urgent ang still-unnumbered senate bill na layong magdelara ng national emergency at unified national policy para tugunan ang problema.
Layon din ng panukala na bigyan ng special power ang pangulo para ipatupad ang national policy para sa limitadong panahon at paghihigpit. Isa na rito ang kapangyarihan na pansamantalang pag-take over sa operasyon ng anumang privately-owned public utility o negosyo na magamit para tugunan ang pangangailangan ng publiko sa panahon ng COVID-19 emergency.
Kabilang dito ang mga hotel at iba pang kahalintulad na establisyimento na pwedeng tuluyan ng mga health workers at magsilbing quarantine areas. Gayundin ang pag-gamit sa mga public transportation systems para maghatid ng mga health, emergency at frontline workers at telecommunication entities na magfa-facilitate sa tuloy-tuloy na komunikasyon sa pagitan ng gobyerno at publiko.
Sa ilalim din ng panukala, binibigyan ng kapangyarihan si pangulong duterte na pangunahan ang procurement ng mga pagkain, personal protective equipment, gamot at iba pang medical supplies, basta’t kinakailangan.
Binibigyan din nito ng awtorisasyon ang pangulo na i-regulate ang traffic at limitahan ang operasyon ng land, sea, air at rail transportation, mapapubliko man o pribado.
Pinahihintulatan din nito ang pangulo na mag-reprogram, reallocate at realign ng pondo para tugunan ang pagkalat ng COVID-19.
Bukas, kapwa magsasagawa ng special session ang Senado at Kamara. Inaasahang aaprubahan ng dalawang kapulungan ng kongreso ang panukalang magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Duterte na i-realign ang budget na maaaring magamit para tugunan ang problema sa COVID-19.