Cauayan City, Isabela- Nananawagan si Cauayan City Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega sa lahat ng mga apektadong barangay dahil sa sakit na African Swine Fever (ASF).
Ayon kay SP Arcega, kinakailangan ng makagawa ng paunang hakbang ang mga opisyal ng barangay gaya ng pagbibigay ng datos kung ilang hograisers ang apektado ng nasabing sakit ng kani-kanilang mga alagang baboy.
Giit ni Arcega, higit na apektado ngayon ng ASF ang bahagi ng TANAP Region sa lungsod kung kaya’t minabuting ipag-utos ng Lokal na Pamahalaan ang mahigpit na pagbabawal sa paglabas ng mga alagang baboy mula sa lungsod.
Una nang kinumpirma ng City Veterinary Office ang paglala ng kaso ng ASF sa lungsod kung saan nasa mahigit 30 barangay ang nakitaan ng positibong kaso nito.
Matatandaang ipinag-utos ni Isabela Governor Rodito Albano III na mahigpit na ipinagbabawal ang ‘Uraga System’ o pagkatay ng baboy sa mga bahay.
Ayon naman kay Dr. Dalauidao, maituturing aniya na second wave ng ASF ang naitatalang kaso ngayon sa Lungsod ng Cauayan dahil una na itong humupa bago pa magkaroon ng pandemya na dulot ng COVID-19.
Pinaalalahanan naman ng opisyal ang tanggapan ng City Veterinary na huwag basta umano magbitaw ng salita sa kung magkano ang maibibigay na ayuda sa mga apektadong magsasaka dahil sa posibleng pagkadismaya ng mga tao.
Kinakailangan din umano na maideklarang state of calamity ang lungsod dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga nagkakasakit na baboy.