Naniniwala ang Department of National Defense (DND) na wala pang pangangailangan para ilagay sa state of emergency ang lalawigan ng Negros Oriental.
Ito ay makaraan ang karumal-dumal na pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 8 iba pa noong Sabado.
Ayon kay Defense Officer-in-Charge, Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., kaya bumuo ng isang Special Task Force upang tumulong sa pulisya na tugisin ang iba pang salarin sa Degamo slay case.
Pero nilinaw ni Galvez na ginamit lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang calling out orders para mapabilis ang pagtugis sa iba pang mga nasa likod ng krimen.
Aniya, hindi sapat ang kaso ni Degamo para gamiting batayan sa pagdedeklara ng state of emergency sa nasabing lalawigan pero kinakailangang matuldukan ang karahasan at maibalik ang peace and order situation sa Negros Oriental.