Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Defense Sec. Delfin Lorenzana si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pagdedeklara nito ng martial law sa Mindanao.
Ito’y matapos sabihin ng ilang minority senators na hindi naman kailangang magdeklara ng martial law dahil kaya naman ng militar na ma-neutralize ito sa lalong madaling panahon.
Pero para kay Lorenzana, mahalaga ang ipinatupad na martial law sa Mindanao kahit pa mayroon kakayahan ang puwersa ng gobyerno na mapulbos ang Maute Group.
Aniya, malaki ang maitutulong ng batas militar para mas mabilis na maibalik sa normal ang sitwasyon sa Marawi City.
Sa Mindanao hour naman kanina sa Malacañang sinabi ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na bukod sa Marawi, layon din ng martial law na matuldukan na ang rebelyon sa iba’t ibang lalawigan sa timog na bahagi ng bansa kabilang na ang Zamboanga, Davao, Bohol, Lanao, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Maguindanao.
Dagdag pa ni Padilla, positibo ang militar na matatapos agad ang gulo sa marawi lalo’t 90 percent na ng lugar ang kanilang nabawi.
Sa ngayon, umabot na sa 129 ang bilang ng mga nasawi sa Marawi clash kung saan 89 rito ay mga miyembro ng Maute Group, 21 sa tropa ng gobyerno at 19 sa panig ng sibilyan.
DZXL558