Manila, Philippines – Wala sa hurisdiksyon ng Philippine National Police (PNP) ang pagdedesisyon kung papayag na makapagsagawa ng pagdinig sa loob ng PNP Custodial Center ang Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na pinamumunuan ni Senadora Leila De Lima.
Ayon kay PNP Spokesperson Senior Superintendent Benigno Durana, kinakailangang humingi ng permiso ang Senado sa korte para makapagsagawa ng pagdinig sa Custodial Center.
Kapag pumayag aniya ang korte ay tatanungin sila kung ano ang security implication nito at magrerekomenda lamang sila kung maaari o hindi dapat magsagawa ng committee hearing sa Custodial Center.
Sa ngayon aniya walang utos mula sa korte kaya nagdesisyon ang pamunuan ng PNP na hindi pagbigyan ang kahilingan ni Senate President Tito Sotto III na makapagsagawa ng hearing si Senadora De Lima sa loob ng piitan.
Batay pa sa liham na sagot ng PNP kay Senador Sotto nakasaad na habang nasa piitan ito ay limitado lamang ang karapatan ni De Lima na isagawa ang kaniyang trabaho bilang mambabatas.