Pagdelay sa impeachment trial, isang “destruction” ayon sa isang senador

Tinawag ni Senator Risa Hontiveros na “destruction” ang pagbitin ng Senado para aksyunan ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Hontiveros, hindi na matatawag na pagsunod sa procedures o mga pamamaraan ang delay na ginagawa sa impeachment kundi isang abala na nagtatago sa kunwari’y protocol.

Iginiit ng senadora na ang pag-convene ng senado bilang impeachment court at pagsisimula ng paglilitis ay mandatong nakasaad sa Konstitusyon subalit sa loob ng apat na buwan ay nabinbin at pinatagal lamang ang impeachment case.

Sa mga buwan ding iyon ay tinawag siyang atat, agresibo at mainipin dahil sa pangungulit na simulan na ang impeachment pero ang totoo aniya ay hindi sila nagmamadali kundi naghihintay tulad ng mga Pilipinong matagal na ring nakaabang sa katotohanan.

Kaugnay nito ay kinalampag ni Hontiveros ang Senado na tigilan na ang mga laro at simulan na ang pagsunod sa rules at ang proseso ng impeachment na “forthwith” o kaagad itong gawin.

Facebook Comments