19 na mga kongresista sa pangunguna ni dating pangulo at ngayo’y House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang naghain ng isang resolusyon na humihimok sa Kamara na ipagtanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito sa posibleng imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC laban kay Duterte ukol sa “crimes against humanity” na nag-ugat sa kontrobersyal na giyera kontra ilegal na droga.
Sa inihaing House Resolution 780, ay binigyang-diin na marapat magdeklara ang Mababang Kapulungan ng “unequivocal defense” bilang suporta kay Duterte.
Nakasaad sa resolusyon ang tagumpay ng walang humpay na nakampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga, insurgency, separatism, terorismo, katiwalian at kriminalidad kaya naging mas mabuti, kumportable at mapayapa ang buhay ng mga Pilipino.
Binigyang katwiran sa resolusyon na kinailangang maglunsad ni dating Pangulong Duterte ng war on drugs dahil matindi ang problema noon sa illegal drugs na malinaw na banta sa ating bansa at lipunan.
Iginiit sa resolusyon na gumagana at independent ang judicial system sa Pilipinas at kanila ding sinang-ayunan ang pahayag ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na insulto at hindi katanggap-tanggap ang gusto ng ICC na imbestigahan si Duterte at ang anti-drug campaign.
Kasama ni Arroyo na naghain ng resolusyon sina Rep. Carmelo Lazatin Jr., Aurelio Gonzales, Anna York Bondoc-Sagum, Jose Alvarez, Mary Mitzi Cajayon-Uy, Richard Gomez, Wilton Kho, Loreto Amante, Edward Hagedorn, Edwin Olivarez, Eric Martinez, Eduardo Rama Jr., Dale Corvera, Zaldy Villa, Ma. Rene Ann Lourdes Matibag, Mohamad Khalid Dimaporo, Johnny Pimentel at Marilyn Primicias-Agabas.