Pagdepensa ni VP Sara kay Pastor Quiboloy, kinondena ng isang kongresista

Photo Courtesy: Sunshine Media Network

Kinondena ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pagkampi ni Vice President Sara Duterte kay Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa kasong child abuse, sexual abuse, at qualified human trafficking.

Pahayag ito ni Garin kasunod ng pagtuligsa ni VP Sara Duterte sa mga pulis na nais umaresto sa wanted na si Quiboloy sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.

Nakakabahala para kay Garin na sa halip kampihan ang mga bitkima at isulong na maipatupad ang hustisya ay mas pinipili ni VP Sara Duterte na kampihan si Quiboloy.


Giit ni Garin na ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy ay seryoso at suportado ng ebidensya kaya naglabas ng warrant of arrest ang korte.

Bukod sa Pilipinas si Quiboloy ay kinasuhan din sa Estados Unidos.

Bunsod nito ay nananawagan si Garin sa bawat isa, lalo na sa mga leader ng bansa na igiit ang pangangailangan na mapanagot ang may sala at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Facebook Comments