Pagdinig ng Blue Ribbon Committee, posibleng itakda ni Senator Ping Lacson sa November 14 kapag nahalal muli na chairman ng komite; dating Marine Technical Sgt. Orly guteza, muling ipapatawag

Itatakda ni Senate President pro-tempore Ping Lacson sa November 14 ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) patungkol sa maanomalyang flood control projects.

Ito ay kung mahalal siya muli bilang Chairman ng BRC sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre 10.

Ayon kay Lacson, iimbitahan niya na humarap muli sa imbestigasyon si retired Philippine Marines Technical Sergeant Orly Guteza at ang iba pang mga pinakamahahalagang testigo.

Sinabi ng senador na ipatatawag si Guteza para mabigyang linaw ang kanyang “sinumpaang salaysay” na una nitong inilahad sa senado kung saan pinangalanan sina dating Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co na hinahatiran nila sa mga bahay ng male-maletang pera na hinihinalang mula sa mga anomalya ng flood control projects.

Naniniwala si Lacson na makatutulong si Guteza at iba pa para mapabilis ang paghahain ng mga kaso sa mga sangkot sa katiwalian.

Facebook Comments