Manila, Philippines – Sa kabila ng pagtanggap ng Pangulong Duterte sa resignation ni Comelec Chairman Andres Bautista na “effective immediately”, tuloy pa rin ang pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment nito.
Sinabi ni Justice Committee Chairman Rey Umali, hanggat wala silang natatanggap na liham mula sa Pangulo ay tuloy pa rin ang proseso sa impeachment.
Pero, sakali namang makatanggap na sila ng liham mula sa palasyo ng Malakanyang, sinabi ni Umali na otomatiko naman nilang puputulin ang proseso kaugnay ng impeachment ni Bautista.
Nagpasalamat naman si Umali sa pagtanggap ng Pangulo sa pagbibitiw ni Bautista dahil mapapagaan na ang kanilang trabaho lalo’t may isa pang impeachment complaint laban naman kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Nakatakda naman ngayong umaga ang pagbusisi sa articles of impeachment laban kay Bautista pati ang pagbuo ng prosecution team.