Manila, Philippines – Tinapos na ng Department of Justice (DOJ) ang pagdinig kaugnay ng pagkakapatay kay Horacio Castillo III sa hazing rites ng Aegis Juris fraternity.
Kanina ay huling pagdinig na sa kaso kung saan nagsumite ng reply affidavit ang pamilya ni Atio at ang Manila Police District.
Maaari namang magsumite ng kanilang rejoinder hanggang sa November 16 ang kampo ng respondents kahit wala nang magiging pagdinig.
Sa joint reply affidavit ng pamilya Castillo at ng MPD, iginiit nila na may probable cause para kasuhan ng paglabag sa anti-hazing law ang mga respondents.
Partikular na ipinunto ng complainants ang Hispathological Report mula sa PNP Crime Laboratory kung saan lumalabas na ang mechanism ng pagkamatay ni Atio mula sa traumatic soft tissue injuries ay nagdulot ng electrolyte imbalance, acute kidney injury, increase ng potassium sa dugo at decrease ng calcium sa dugo na dahil din sa muscle trauma na nagbunga ng cardiac failure.
Pinasinungalingan ng pamilya Castillo na ang pagkamatay ni Atio ay dahil sa lumalaki ang puso nito.
Hindi naman dumalo na sa huling hearing ang respondents at sa halip ay mga abogado na lamang ang kumatawan sa kanila.