Manila, Philippines – Ipagpapatuloy ngayong araw ng House Joint Rules and Public Account Committees ang imbestigasyon hinggil sa multi-billion peso flood control fund scam.
Nabatid na inungkat sa nakaraang pagdinig ang pagtanggap ng ₱81 million mula sa mga dummy contractors ng pamilya Hamor, isang political clan sa Sorsogon na siyang in-laws ni Budget Secretary Benjamin Diokno
Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr. – sa ikatlong pagkakataon ay inimbitahan nila muli si Diokno.
Umaasa si Andaya na dadalo sa pagdinig si Diokno upang mabigyang linaw ang ilang dokumento na nagpapakitang ang Aremar Construction ay gumamit ng Bulacan-based contractor CT Leoncio bilang “dummy” para sa ilang malalaking proyekto.
Iginiit ng mambabatas na dapat linawin ng kalihim ang pahayag nito sa media na nag-award at nagpatupad ng mga proyekto ang DBM na nagkakahalaga ng ₱200 billion.
Kekwestyunin din sa pagdinig ang sinasabing bidding para sa procurement ng government contracts para sa consultants na nagkakahalaga ng ₱37 billion.
Babala naman ni House Minority Leader Danilo Suarez kay Diokno na ipapa-subpoena na niya ito kapag hindi pa rin kikilalanin ang kanilang imbitasyon.