
Kasado na sa Martes, September 2, ang pagsisimula ng imbestigasyon ng House Infrastructure Committee ukol sa maanumalya, palpak at mga hindi totoong flood control projects.
Inihayag ito ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, ang chairman ng House Committee on Public Accounts na isa sa tatlong committee ng House Infra Committee.
Ayon kay Ridon, pangunahing imbitado ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, gayundin ang mga kontratistang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nakakopo ng malalaking kontrata at proyekto kabilang ang “ghost projects” sa Bulacan.
Binanggit ni Ridon na papaharapin din sa pagdinig ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno para maglahad ng proseso ukol sa mga proyekto.
Dagdag pa ni Ridon, imbitado rin ang Philippine Contractors Accreditation Board o PCAB kasunod ng alegasyon na sa proseso pa lang ng accreditation ng mga kontratista ay may nangyayari ng katiwalian.









