Pagdinig ng Kamara ukol sa malawakang black out sa Panay Island, kasado na

Kasado na sa susunod na Huwebes, January 11 ang pagdinig ng House Committee on Energy ukol malawakang power outage sa Panay Island at ilang bahagi ng Western Visayas na nagsimula noong January 2.

Base ito sa na Notice of Meeting ni Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda mula sa naturang komite na pinamumunuan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Nagpasalamat naman si Baronda kay Velasco at kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mabilis na tugon sa hiling niya at ilang kongresista na mabusisi ang panibagong problema sa kuryente sa kanilang lalawigan.


Sabi ni Baronda, mayroon ng resolusyon ang mga mambabatas na kumakatawan sa Iloilo na nagsusulong ng imbestigasyon ukol sa malawakang black out sa lalawigan.

Pero ayon kay Baronda, naka-break pa ang Kongreso kaya itutuloy na lang ng Committee on Energy (COE) ang nauna nitong imbestigasyon kaugnay sa power interruption sa probinsya na naganap noong April 2023.

Layunin aniya ng pagdinig na mahanapan ng solusyon ang madalas na problema sa suplay ng kuryente sa naturang rehiyon at matukoy ang mga dapat managot dito.

Facebook Comments