Pinamamadali na ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo sa House Committee on National Defense and Security at Committee on Ecology ang pagsasagawa ng pagdinig ukol sa mga reclamation projects sa Manila Bay.
Giit ito ni Tulfo makaraang maaresto ng Bureau of Immigration ang siyam na Chinese nationals sa Pasay City na bumaba sa kanilang dredging vessel noong nakaraang linggo.
Magugunita na noon pang Agosto 2023 ng ihain ni Tulfo, kasama ang iba pang kongresista ang House Resolution No. 1171 na nagsusulong na suriin ang mga reclamation projects sa paligid ng Manila Bay.
Ikinatwiran sa resolusyon na posibleng banta sa pambansang seguridad na pawang mga Chinese nationals ang nagsasagawa ng reclamation sa Manila Bay na bumababa sa barko at gumagala sa kalakhang Maynila kahit walang taglay na visa.
Ikinabahala rin ni Tulfo ang impormasyon na ang China-owned China Communications Construction Co. na namamahala sa mga dredging at reclamation operations ay nasa likod din umano ng pagtatayo ng mga air at naval bases sa mga teritoryong inaangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea.