Pagdinig ng Kamara ukol sa mga panukalang umento sa sahod, umarangkada na

Umarangkada na ang pagdinig ng House Committee on Labor and Employment ukol sa mga panukalang 150 pesos hanggang 350 pesos at 750 pesos accros-the-board wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Tiniyak ng chairman ng komite na si Rizal 4th district Rep. Juan Fidel Felipe Nograles, ang masusing deliberasyon sa wage hike bills upang matiyak ang makatarungan at patas na mga regulasyon na ang interes binibigyang halaga ng lahat, kabilang ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Cavite 1st District Rep. Ramon Jolo Revilla, kailangang maitaas ang sweldo upang magkaroon ng disenteng pamumuhay ang mga pangkaraniwang manggagawa at makasabay sa tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.


Para naman ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas at bukidnon 3rd District Rep. Jose Maria Zubiri, long overdue o dapat noon pa nabigyan ng karapat dapat na sweldong mataas ang mga obrero.

Giit pa ni Brosas, hindi totoo na magpapabilis o magpapataas ng inflation rate ang wage increase dahil ang dagdag sweldo ay gagastusin din naman ng mga mangagawa kaya makakatulong pa sila sa pag-angat ng ekonomiya.

Diin naman ng TUCP Party-list Rep. Raymond Mendoza, kawalang katarungan na hanggang ngayon ay napakaliit ng sweldo ng mga manggagawa kaya naman nananatili silang mahirap kahit na anong sipag at pagsisikap ang kanilang gawin.

Hirit din ng mga kongresista, pantay-pantayin na ang halaga ng daily mimimum wage sa National Capital Region at lahat ng rehiyon o lalawigan sa buong bansa.

Facebook Comments