Pagdinig ng Korte Suprema sa Anti-Terrorism Law, pinamamadali ng ilang kongresista

Pinamamadali ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang pagdinig ng Korte Suprema sa constitutionality ng Anti-Terrorism Law.

Kasunod ito ng paghingi ng proteksyon sa local court sa Iloilo City ni dating Bayan Muna Rep. Siegfred Deduro matapos maakusahan ng militar ng pagiging high-ranking opisyal ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Iginiit ni Zarate na nalalagay sa alanganin ang buhay at kalayaan ng nakararami lalo na ang kanilang mga myembro sa patuloy na red-tagging ng National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).


Umaasa ang kongresista na papanig ang Supreme Court sa kanilang ipinaglalaban.

Mariin namang kinukundena ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang banta at surveillance na ginagawa ngayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares.

Kinukwestyon din ng mambabatas kung krimen na bang maituturing ang pagiging kritiko at paglalantad sa mga isyung kinakaharap ng administrasyon tulad ng pagiging sunud-sunuran sa China, mga alegasyon ng korapsyon sa pamahalaan at paglabag sa karapatang pantao.

Hindi naman paaawat si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat at iginiit nitong patuloy pa rin silang magsasalita laban sa mga pang-aabuso na ginagawa umano ng gobyerno.

Facebook Comments