Nagsagawa ng pagdinig ngayong araw ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontivers kaugnay sa SOGIE equality bill.
Nangibabaw sa pagdinig ang pagpapaliwanag ukol sa iba’t-ibang kasarian kung saan hindi daw lahat ng LGBT ay baklang lalake at babae.
Lumabas sa pagdinig na maraming uri ang nabibilang sa LGBT community tulad ng cisgender o mga straight na lalaki at babae, gay man, lesbian o gay woman, bisexual at transwoman o transman.
Inimbitahan din sa pagdinig ang transwoman na si Gretchen Diez na naging emosyonal sa pagkwento nang pinagbawalan sya na gumamit ng CR na pambabae sa isang mall sa Quezon City.
Kaugnay sa naging karanasan ni Diez ay sinabi ni Hontiveros na dapat maging malaya ang sinuman na pumasok sa CR o alinman pasilidad base sa nais at pinaniniwalaan niyang taglay na kasarian.
Sa pagdinig ay binanggit naman ng transwoman na si Roi Galfo na may sumita din sa kanya ng pumasok sa female CR sa senado.
Sa pagdinig ay inusisa naman ni Senator Koko Pimentel kung kailangan ba talaga na ipasa ang SOGIE equality bill dahil may batas ng umiiral laban sa diskriminasyon.
Si Senator Ronald Bato Dela Rosa naman ay naghayag ng pagkabahala na samantalahin ng mga manyakis na lalaki ang pagpapahintulot sa mga gay o transgender na pumasok sa CR ng babae.