Alas-10:00 ng umaga sa Huwebes itinakda ng Senate Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Senator Cynthia Villar ang pagdinig ukol sa pagpapahintulot ng Department of Agriculture (DA) sa pag-angkat ng 60,000 metriko tonelada ng isda sa unang quarter ngayong taon.
Ikinatwiran ng DA na maraming palaisdaan ang nasira dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Pangunahing imbitado sa pagdinig si Agriculture Secretary William Dar at iba pang opisyal ng DA.
Pinapaharap din sa pagdinig ang mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at iba’t ibang samahan ng mga mangingisda.
Iginiit sa tatlong resolusyon sa Senado na sapat ang suplay ng isda sa bansa at hindi kailangang umangkat base sa sinabi ng national Fisheries and Aquatic Resources Management Council at pahayag ng organisasyon ng mga mangingisda.
Aniya, mayroon pang mahigit 22,000 metriko tonelada ng isda mula sa importasyon nung nakaraang taon ang nasa cold storage facilities, bukod sa mahigit 12,000 metriko tonelada ng isda na in-transit at may lagpas 11,000 metriko tonelada pang parating batay sa naunang import permits.
Diin nila, patapos na rin ang closed fishing season ngayong Pebrero.