Pagdinig ng Senado sa kaso ng hazing at pagkamatay ni Atio Castillo, ipagpapatuloy ngayong araw

Manila, Philippines – 9:30 ngayong umaga ay ipagpapatuloy ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang ikatlong pagdinig sa pagkamatay ng freshman UST law student na si Horcio Atio Castillo III matapos umanong sumailalim sa hazing ng Aegis Juris Fraternity noong September 16.

Kabilang sa mga pinapaharap sa pagdinig ngayon ang ilang senior members ng fraternity na kasamang sa FB group chat kung saan pinagusapan kung paano pagtatakpan ang insidente.

Sa nasabing group chat ay mababasang pinapayuhan ng senior members ang mga mas nakababatang miyembro kung paano sisirain o lilinisin ang mga ebidensya sa library ng fraternity kung saan umano isinagawa ang hazing.


Umaasa naman si Senator Win Gatchalian na haharap sa hearing mamaya ang miyembro ng fraternity na si Marc Ventura upang isalaysay ang laman ng kanyang affidavit na isinumite sa Dept. of Justice.

Si Ventura ay nasa ilalim na ng WPP o Witness Protection Program ng DOJ.

Sa kanyang testimonya ay isinalaysay ni Ventura ang initiation rites na ginawa kay atio at kung sinu-sino ang kasama dito.

Nais din ni Gatchalian na marinig mula sa mga alagad ng batas at sa opisyal ng mga kinauukulang ahensya kung ano mga nararapat na hakbang para hindi na maulit ang ganitong insidente.

Inaasahan ding haharap muli sa pagdinig ngayon si Arvin Balag, ang pangulo ng fraternity na isang buwan ng nakaditine sa senado makaraang tumangging sagutin kaht ang mga simpleng tanong lang ng mga senador sa nakaraang pagdinig.

Facebook Comments