Mistulang naging sumbungan ng mga pasahero ang ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Tourism patungkol sa mga reklamo laban sa Cebu Pacific.
Matatandaang inihain ni Tourism Committee Chair Senator Nancy Binay ang Senate Resolution 575 para silipin ang napakaraming reklamong kinakaharap ng CebPac tulad ng overbooking, offloading at booking glitches.
Sa pagdinig ay sinabi ni Binay na umabot na sa 3,000 reklamo ng mga airline passengers ang naipon ng kanyang opisina bago ang ginanap na pagdinig ngayong araw.
Ipinalabas din ng senadora sa pagdinig ang ilang mga video na nag-viral sa social media kung saan tatlong oras na naghihintay ang mga pasahero pero hindi malaman kung ano na ang sitwasyon ng kanilang flight habang may isa pang video na 3 days na silang delayed sa flight at muntik na namang ma-rebook.
Limang resource persons ang pinagsalita sa pagdinig kung saan inilahad ng mga ito ang pagkadismaya sa mga naging karanasan nila sa Cebu Pacific na nauwi sa kanselasyon ng kanilang mga flight.
Pare-pareho ang naging karanasan ng mga pasahero na wala silang malinaw na paliwanag na nakuha sa CebPac kung bakit na-delay ang kanilang mga flights at kinailangang ma-offload at ma-rebook.
Bukod sa oras na nasayang, apektado ang nakalatag na schedule at mga leaves ng mga pasahero, maging ang schedule ng kanilang mga trips sa pupuntahang lugar o bansa, hindi rin lahat ay nakakatanggap ng abiso na kanselado ang kanilang biyahe at may punto pa na may ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang hindi nakabalik agad sa kanilang trabaho at may isang pasahero ang muntik na hindi makapag-board exam dahil sa stress na inabot dahil sa cancelled flights.
Kabilang pa sa problema na hanggang ngayon na kinakaharap ng mga pasahero ng Cebu Pacific ay napakatagal maibigay ang refund, nadodoble ang kanilang mga gastos at ang mga pangakong tulong tulad ng pagkain at inumin sa mga na-delay ang flights ay hindi rin naman naibibigay.