Pagdinig ng Senado sa mga pang-aabuso sa ilang KOJC members, tuloy pa rin kahit hindi humarap si Pastor Apollo Quiboloy

Tuloy pa rin ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa kanilang pagdinig sa Miyerkules, October 23, kahit hindi payagan ng korte na dumalo si Pastor Apollo Quiboloy.

Batay sa tanggapan ng komiteng pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros, may mga bagong testigo laban kay Quiboloy na nakatakdang humarap sa imbestigasyon.

Hanggang sa ngayon ay wala pang sagot ang Pasig at Quezon City Regional Trial Court (RTC) sa letter request ng komite na payagang makadalo sa pagdinig si Quiboloy at ang mga kapwa akusado.


Agad namang tinapatan ng kampo ni Quiboloy ng petisyon ang request na ito na humihiling sa korte na huwag siyang payagan na humarap sa Senado dahil nasa korte na ang kanyang mga kaso at nagagamit lang ang Mataas na Kapulungan sa grandstanding at publicity stunts.

Umaasa si Hontiveros na papayagan ng korte ang pagharap ni Quiboloy sa pagdinig na pitong buwan ding nabinbin matapos na magtago ng matagal ang religious leader.

Facebook Comments