Itinakda na sa Martes, August 4, 2020 sa ganap na alas-9:00 ng umaga ang pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa panibagong isyu ng katiwalian at maling pamamalakad umano sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Pangunahing pinadalhan ng imbitasyon sina PhilHealth President at CEO Ricardo Morales at nagbitiw na Anti-Fraud Legal Officer na si Atty. Thorrson Montes Keith.
Inaasahan na tatlo hanggang apat na testigo ang sinasabing haharap sa pagdinig na pangungunahan mismo ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Base sa mga impormasyong nakarating kay Senator Panfilo “Ping” Lacson ay mukhang lulutang muli sa kanilang imbestigasyon ang mga miyembro ng sinasabing mafia sa PhilHealth na dating nang nabunyag sa isinagawang pagdinig ng Senado noong nakaraang taon.
Sa pagkakaalam ni Lacson ay aktibo na naman ang sindikato sa PhilHealth na kumokontrol sa nauubos ng resources ng ahensya sa pamamagitan ng pagmanipula sa mga financial statement nito.
Una ring napag-alaman ni Lacson na may mga hindi naman accredited na ospital na iilan ang COVID patient ang nabigyan ng daang milyung pondo ng PhilHealth sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Habang may mga accredited hospital na maraming COVID patients ang hirap na hirap na makapag-reimburse sa PhilHealth.