Pagdinig ng Senado tungkol sa drug war sa Lunes, tuloy kahit wala si dating PRRD

Tiniyak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na tuloy pa rin ang kanilang pagdinig sa Lunes tungkol sa war on drugs ng dating Duterte administration, dumalo man o hindi si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon.

Ayon kay Pimentel, immaterial kung haharap man o hindi si dating Pangulong Duterte at hindi niya na inaalam kung confirm o hindi ang pagdalo ng dating presidente sa pagdinig.

Aniya, higit sa 30 ang kanilang inimbitahan sa pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee at marami ang babiyahe para makadalo sa hearing.


Giit ni Pimentel, hindi maho-hostage ang pagdinig sa war on drugs dahil lamang sa kawalan ng presensya ng isang tao.

Bagama’t aminado si Pimentel na mahalaga ang magiging testimonya ni Duterte sa drug war probe pero hindi naman niya kontrolado ang kilos ng dating pangulo lalo’t malayo rin ito sa Maynila.

Facebook Comments