Tuloy ang imbestigasyon ng senado hinggil sa umano ay mga iligal na aktibidad sa Pilipinas na konektado sa POGO.
Ito ang sinabi ni Senator Risa Hontiveros sa kabila ng pagpapasibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tauhan ng Bureau of Immigration na sangkot sa “pastillas” scheme.
Aniya, kahit tinanggal na ang mga opisyal ng gobyerno na sinasabing sangkot sa isyu, tatapusin ng Senate Committee on Women and Children ang kanilang imbestigasyon.
Kabilang din sa iniimbestigahan ng komite ay ang POGO-related prostitution.
Ayon kay Hontiveros, ilan pang karagdagang resource person ang ipapatawag nila sa susunod na pagdinig kabilang ang isang dating BI official na pinangalanan ng whistleblower na si Alex Chiong, dating Deputy Commissioner Red Mariñas at mga travel agencies.
Sa sandaling matapos ang pagdinig, magsusumite aniya ng rekomendasyon ang komite para matukoy at maparusahan ang mga sangkot sa prostitusyong konektado sa POGO.