Pagdinig ng Senado ukol sa operasyon ng motorcycle taxi, kasado na

Manila, Philippines – Itinakda na sa susunod na Martes, Enero 14 ng Senate Committee on Public Services ang pagdinig ukol sa mga isyu at kontrobersya sa operasyon ng mga motorcycle taxi.

Ayon kay Senator Grace Poe, na siyang chairperson ng komite, sa hearing ay hihingan niya ng report at update ang Department of Transportation o DOTr ukol sa pilot implementation ng motorcycle taxi na inumpisahan nung Hunyo 2019.

Hihingi si Poe ng paliwanag kaugnay sa pagtatakda ng limitasyon sa bilang ng mga motorcycle taxi na pwedeng pumasada.


Kasunod ng direktiba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hanggang 10,000 lang driver o unit na lang ng angkas ang pwedeng pumasada mula sa kasalukuyang 27,000.

Nais din ni Poe na maliwanawan ang kinukuwestyong 99.9 percent na ownership ng isang Singaporean sa Angkas – na paglabag umano sa constitutional limit na hanggang 40 percent lang ng negosyo ang pwedeng maging pagmamay- ari ng dayuhan.

Sabi ni Poe, layunin din ng pagdinig ang pagbuo ng pinal na panukalang batas para sa pagtatakda ng regulasyon sa pagpasada ng mga motorcycle taxi.

Facebook Comments