Pagdinig ng Senado ukol sa red tagging, hindi sinipot ng mga miyembro ng Makabayan Bloc

Walang mga miyembro ng Makabayan Bloc ang sumipot sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ukol sa umano’y red tagging ng militar at sa halip ay nagpadala lang sila ng isang abogado.

Ayon kay Lacson, sa pamamagitan ng liham kay House Speake Lord Allan Velasco ay nagpadala siya ng open invitation sa mga miyembro ng Makabayan Bloc kagaya ng Bayan, Kilusang Mayo Uno (KMU), Gabriela at iba pang progresibong grupo pero walang tumugon.

Sa kanyang opening statement ay binanggit ni Lacson na may ipinadalang liham si Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares na nagsasabing handa itong dumalo sa hiwalay na hearing kung saan hindi kasama ang mga miyembro ng militar lalo na si Lieutenant General Antonio Parlade Jr.


Physically present naman sa pagdinig sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, si General Parlade at ilan pang matataas na opisyal ng militar at pulisya.

Sa pagsisimula ng hearing ay sinabi ni Lacson na hindi natutuwa ang komite sa pagsasagawa ng pagdinig ukol sa tunggalian ng Pilipino sa kapwa Pilipino, hindi lamang sa diskurso, ideolohiya o paniniwala kundi pati sa larangan ng pagkitil kung saan may mga nadadamay na inosenteng sibilyan.

Para kay Lacson, ang red tagging ay maituturing na krisis dahil nakaka-aapekto sa pagbibigay proteksyon sa karapatang pantao at sa pagpapalakas ng law enforcement measures sa ating bansa.

Facebook Comments